MANILA, Philippines - Hiniling ni Deputy Speaker Lorenzo “Erin” R. Tañada sa pamamagitan ng isang joint congressional resolution na ipatigil na ang Visiting Forces Agreement (VFA) na pinasok ng Pilipinas kasama ang Estados Unidos.
“Maghahayag ito ng matibay na paninindigan natin laban sa isang kasunduang hindi umaayon sa ating Saligang Batas,” ani Tañada matapos ihain ang Joint Resolution No. 17.
Ipinanawagan ng Joint Resolution No. 17 na tapusin na ng VFA at ang pag-uutos sa Secretary ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas na pormal ng ipaalam ito sa Estados Unidos.
“Habang inaalala ang samu’t saring insidente ng ‘di-umano’y paglabag sa karapatang pantao at mga krimen ng mga sundalong Amerikano sa loob ng Pilipinas, naniniwala ako na nararapat lamang na bawiin natin ang ating soberanya na unti-unti nang nawawala dahil sa mga banyaga,” sabi ni Tañada.
Ayon kay Tañada, magandang ipaalam na kaagad ng pamahalaan ang pagnanais na itigil na ang kasunduang ito upang hindi na isipin pa ng Estados Unidos na nais pa nating isaayos at ipagpatuloy ang kasunduan.”
“Isang tahasang pambabastos sa ating Konstitusyon ang pagkilala ng Estados Unidos sa VFA bilang isang executive agreement lamang at hindi isang treaty,” ani Tañada.
“Hindi pinahihintulutan ng ating Konstitusiyon ang paglalagi ng puwersang militar ng mga banyaga sa loob ng ating bansa, maliban na lamang kung mayroong treaty na kinikilala ng dayuhang estado.”
Ayon kay Tañada, ang VFA ay hindi naman sinang-ayunan ng dalawang katlo (2/3) ng Senado ng Estados Unidos.
Sabi ni Tañada, may mga probisyon ang VFA na dapat tingnan bilang void.
“Halimbawa, ang malabong kahulugan ng salitang ‘visiting’ sa kasunduan ay magbibigay-daan sa abuso at sa pagkakaroon ng permanenteng paglagi rito ng Estados Unidos,” ani Tañada.
Ayon kay Tanada, ang VFA ay may kamalian pag dating sa kung sino nga ba ang dapat na may kustodiya sa mga Amerikanong sundalong magkakasala sa ilalim ng ating batas.
Sabi ni Tañada, ang kaso ni Lance Corporal Daniel Smith, na hinatulan para sa panggagahasa pero nabalewala dahil ipinawalang-sala.
Binigyan ng special treatment dahil sa loob ito ng Embahada ng Estados Unidos nagpapahinga imbes sa loob ng bilangguan ikinulong. Ang kaganapang ito ay dineklara ng Korte Suprema bilang iligal alinsunod sa VFA.