'Kaso vs JocJoc too late' - Palasyo

MANILA, Philippines - “It’s too little too late”.

 Ito ang sinabi kahapon ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte bilang reaksyon sa napaulat na pagsasampa ng kasong pandarambong ng Office of the Ombudsman laban kina dating Agriculture undersecretary Luis Lorenzo at Jocelyn “JocJoc” Bolante kaugnay sa P728 milyong fertilizer fund scam na nangyari pa noong 2005.

Ayon kay Valte, nakita naman ng mga mamamayan ang napakahabang panahon na pinalampas ng tanggapan ni Ombudsman Merceditas Gutierrez bago nasampahan ng kaso sina Lorenzo at Bolante.

Kaugnay nito, inihayag din ni Valte na wala sa posisyon ang Malacanang upang kuwestiyunin kung ano ang pakay ngayon  ng Ombdusman sa mistulang pagmamadali sa pagsasampa ng kaso sa gitna ng kinakaharap na impeachment case ni Gutierrez.

Kabilang sa mga articles of impeachment na inihain laban kay Gutierrez ay ang “inaction” o hindi umano nito pag-aksiyon  sa kontrobersiyal na fertilizer fund scam sa kabila ng imbestigasyong ginawa dito ng Senado.

Inihayag din ni Valte na nasa desisyon na ng Ombudsman kung ano pa ang gusto nilang gawin sa ngayon at kung nais na nitong magtrabaho ng mas mabilis.

Samantala, ilang mi­yembro ng House of Representatives ang nagtaya na mabibigo lang ang kasong plunder na isinampa ng Ombudsman laban kina Lorenzo at Bolante.

Sinabi ni House justice committee chairman at Iloilo Rep. Niel Tupaz na matutulad lang sa kaso sa Sandiganbayan ni dating Justice Secretary Hernando Perez ang kaso ng dalawang dating opisyal ng Department of Agriculture.

Binanggit niya na di­nismis ng Sandiganbayan ang kaso laban kay Perez dahil sa pagkaantala ng pagsampa nito sa korte.

Show comments