Buhay, ari-arian maisasalba sa text
MANILA, Philippines - Naniniwala si Manila Mayor Alfredo Lim na maaaring maisalba mula sa sunog sa pamamagitan ng text ang buhay at ari-arian ng isang tao.
Sa ginawang Memorandum of Agreement (MOA) nina Lim, TXTFire Philippines Foundation, Inc. president Gerie Chua at Bureau of Fire Protection (BFP) National Capital Region director Chief Supt. Santiago Laguna, maaring maging miyembro ng TXTFire Philippines ang publiko sa pamamagitan ng pagt-text sa 0922-6-888888 o 0918 6-888888.
Sa ilalim ng MOA, gagamitin ng BFP ang teknolohiya ng TXTFire para magkaroon sila ng access sa mga messages, alerts, advisories, information at iba pang komunikasyong may kinalaman sa mga nagaganap na kalamidad, sunog at iba pang emergency cases.
Tinawag ni Lim na ‘novel and noble’ ang ideya na ipinakilala ni Chua para makatulong sa publiko sa pamamagitan ng mabilis na pag responde sa isang sunog sa tulong ng text mula sa publiko.
Bilang ganti, sinabi ni Lim na handa naman ang anim na ospital na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa mga fire volunteers na maaksidente sa panahon ng pagganap nila sa kanilang tungkulin.
Nalaman na sa kasalukuyan ay mayroon ng 120 fire volunteer group sa bansa ang lumahok sa TXTFire Philippines at mayroon itong 4,200 miyembro nationwide, na nasa superbisyon ni Laguna.
- Latest
- Trending