MANILA, Philippines - Inuupuan umano ni Pangulong Aquino ang rekomendasyon ng fact-finding committee na binuo ni DOJ Sec. Leila de Lima na suspindihin ang kanyang shooting buddy na si LTO chief Asec. Virginia Torres.
Kinumpirma mismo ni DOTC Sec. Ping de Jesus na mayroong rekomendasyong suspindihin si Torres kaugnay sa kaguluhang kinasangkutan nito sa Stradcom na IT provider ng nasabing ahensiya.
Ayon kay de Jesus, nasa tanggapan na ng Pangulo ang rekomendasyon ng fact-finding team ng DoJ na pinamumunuan ni Undersecretary Francisco Baraan III na patawan ng preventive suspension si Torres.
Iminungkahi ng panel na kusang mag-leave of absence si Torres o kaya ay masuspinde sa puwesto.
Samantala, inatasan ng Palasyo si Torres na bayaran na nito ang obligasyon ng kanilang ahensiya sa Stradcom.
Sinabi ni de Jesus, tinawagan na ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. si Torres kamakalawa ng gabi kung saan inutusan nito ang huli na ipalabas na nito ang pondo para mabayaran ang Stradcom.
Kung hindi umano kaya ng LTO na mabayaran ang buong P1 bilyon na utang sa Stradcom ay kahit P240-milyon lang bilang paunang bayad.
Nauna rito, sinampahan ng kaso ng Stradcom sa Office of the Ombudsman si Torres dahil sa ginawa umano nitong pag-ipit sa pagbabayad ng mga obligasyon ng ahensya sa naturang IT company.