Pag-utang ng P2-B ng governor kinuwestiyon ng solon
MANILA, Philippines - Kinuwestiyon ni Bulacan Rep. Joselito “Jonjon” Mendoza ang balak ni Bulacan Gov. Wily Alvarado na mangutang sa ngalan ng lalawigan ng P2 bilyon mula sa Development Bank of the Philippines.
Ayon kay Mendoza, kaduda-duda umano ang tiyempo ng balak na pangungutang sapagkat dapat ay pumasok na sa kaban ng lalawigan ang koleksiyon nito para sa unang tatlong buwan ng taon.
“Nasaan ang koleksiyon? Bakit kailangan pa ng malaking halaga,” tanong ni Mendoza.
Bunsod nito, humingi si Mendoza ng paliwanag mula sa Sangguniang Panlalawigan sa kakaibang bilis na ginawa nito sa pagtatakda ng hearing sa kahilingan ni Alvarado ng pahintulot para maisagawa na nito ang pangungutang.
Sinabi rin ni Mendoza na napag-alaman niya na humingi ng pahintulot para sa pangungutang si Alvarado kahit na hindi pa kumpleto ang mga requirement para rito.
Bilang dating gobernador rin ng Bulacan, pinuna ni Mendoza na kakaiba iyon sa karaniwang sistema.
Nabatid niya na tinanggap ng SP ang sulat ni Alvarado para humingi ng pahintulot noon lamang Abril 5 ng wala umanong konsultasyong isinagawa sa publiko at wala ring detalyeng isiniwalat tungkol sa balak na pangungutang.
Subalit agad na itinakda ng Sangguniang Panlalawigan ang pagdinig para rito sa darating na Miyerkules.
“At balak daw ng Sanggunian na dinggin ang kahilingan ni Gov. Alvarado at aprubahan ito sa loob din ng araw na iyon. Paano nila mapagaaralan ng maayos ang ganito ka-sensitibong bagay sa loob lamang ng ilang oras,” pagtatanong pa ni Mendoza.
- Latest
- Trending