MANILA, Philippines - Dalawang kongresista ang naghain ng panukalang batas para ipamonitor ng gobyerno ang halaga ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) at kerosene na hindi na rin halos maawat sa sunod-sunod na pagtaas ng halaga.
Ayon kina Gabriela party list Reps. Luzviminda Ilagan at Emerenciana de Jesus na parehong may-akda ng House Bill 4100, ang LPG at kerosene ay isa sa mga pangunahing pangangailangan ng bawat Pinoy sa kani-kanilang tahanan.
Anila, layunin ng panukalang batas na amyendahan ang Republic Act 7581 o ang “Price Act” para bigyan ng proteksyon ang mamamayan sa walang patid na pagtaas ng presyo nito.
Sabi pa ng dalawang kongresista, may P404 minimum na sahod sa Metro-Manila ang mga manggagawa pero ang gastos nila sa pang araw-araw ay halos umaabot sa P800 hanggang P900.