SC sa Palasyo: Pagsibak kay Gonzalez ipaliwanag
MANILA, Philippines - Inatasan ng Korte Suprema ang Malacañang na magpaliwanag sa loob ng 10 araw kaugnay ng petisyon ng sinibak na si Deputy Ombudsman Emilio Gonzalez III.
Batay sa SC en banc resolution, kailangang magsumite ng komento ang Palasyo hinggil sa kahilingan ni Gonzalez na maharang ang dismissal order ni Pangulong Aquino. Una nang nagpasaklolo sa SC si Gonzalez na magpalabas ng status quo ante order at maharang ang naging kautusan ng Pangulo.
Iginiit ni Gonzalez na ang Ombudsman ay isang independent body na malinaw na nakasaad sa Article XI ng saligang batas at ng Republic Act 6770 o ng Ombudsman Act. Anya, tanging ang Ombudsman ang may kapangyarihan na magsibak ng kanyang deputy o special prosecutor matapos sumailalim sa kaukulang proseso.
Nito lamang Abril 1 ay sinibak ni Pangulong Aquino si Gonzalez matapos mapatunayang guilty ito sa kasong neglect of duty at gross misconduct kaugnay sa paghingi umano ng P150,000 mula sa hostage-taker na si Captain Rolando Mendoza kapalit ng mabilis na pagresolba sa kasong nakabimbin sa Ombudsman.
Nanindigan naman ang Ombudsman na huwag ipatupad ang dismissal order laban kay Gonzalez.
- Latest
- Trending