Krisis sa bigas itinanggi ng DA
MANILA, Philippines - Nilinaw ni Agriculture Sec. Proceso Alcala na walang dapat ipangamba ang taumbayan sa supply ng bigas dahil mayroong sapat na produksyon ang mga magsasaka para sa pangangailangan ng bansa.
Sinabi ni Alcala sa media briefing sa Palasyo, wala silang nakuhang kopya ng sinasabing National Intelligence Coordinating Agency (NICA) report na posibleng magkaroon ng kaguluhan sa bansa dahil sa kakulangan ng bigas. Anya, hindi ito nakakatulong dahil lumilikha ito ng pangamba.
Wika pa ni Alcala, inaasahan ng DA na sa darating na 2016 ay mag-eexport na ang bansa ng bigas sa ibang bansa.
Itinanggi din ng DA chief na kailangan ng bansa na umangkat ng bigas tulad ng sinabi ni NFA Administrator Lito Banayo na kailangang umangkat ng 300,000 metric tons ng bigas.
Ito anya ay sariling pananaw lamang ni Banayo at hindi ito ang pananaw ng NFA council.
Aniya, ang unang inangkat na 860,000 metric tons ng bigas ay sapat na at hindi na kailangang umangkat pa.
Pero iginiit naman ni Sen. Francis Pangilinan na sa halip isantabi ang ulat tungkol sa nakaambang krisis sa bigas, dapat paghandaan ang nasabing problema kahit pa sinasabing tsismis lamang ito.
Ayon kay Pangilinan, mahalagang mapaghandaan ang sinasabing krisis upang hindi mabulaga ang mga mamamayan at maging ang pamahalaan.
Isa sa mga nakikitang solusyon ni Pangilinan ay ang paggamit ng iba’t ibang uri ng bigas kabilang na ang mga tinatawag na hybrid rice na mas napaparami ang ani. (Rudy Andal/Malou Escudero)
- Latest
- Trending