MANILA, Philippines - Nabigo rin maghain ng counter-affidavit si Mapet Cortez, alyas “Tita Cacayan” sa isa pang kasong isinampa din sa Department of Justice (DOJ) ni Jason Ordinario, kapatid ng binitay na si Sally Ordinario-Viilanueva.
Gayunman, sa isinagawang preliminary investigation kahapon sa kasong kidnapping at transportation of drugs na inihain ni Jason laban kay Cacayan, pinagbigyan ang huli sa hiling na mapalawig ang panahon sa pagsusumite ng kontra-salaysay.
Binigyan nina State Prosecutors Stewart Allan Mariano at Michael Vito Cruz si Cacayan ng hanggang ika-25 ng Abril para magsumite ng kontra salaysay.
Ayon sa prosecutors, kung hindi makapagsusumite sa itinakdang petsa si Cacayan, ay ituturing na submitted for resolution ang reklamo at ibabase ang desisyon sa mga hawak na ebidensiya.
Kaugnay nito, inatasan ng mga prosecutor ang PNP-CIDG at NBI na kasalukuyang nagbibigay ng kustodiya kay Cacayan na magharap ng ebidensya o kaukulang dokumento na nagpapatunay sa pagkakakilanlan ni Cacayan.
Una nang humingi din ng extension of time sa pagsusumite ng counter-affidavit noong isang linggo si Cacayan kaugnay naman sa kasong isinampa laban sa kaniya sa pagre-recruit kay Sally at pagpapadala ng heroin o mga kasong large scale illegal recruitment at human trafficking.