PNoy 'dismayado' sa kanyang mga speech writers

MANILA, Philippines - Nairita si Pangulong Benigno Aquino III sa ‘paulit-ulit’ na gina­ga­wang speech ng kanyang speech writers group kaya hindi na niya ito binasa sa pagharap nito sa mga delegadong estudyante sa St. Paul University sa Maynila kahapon.

Sa halip ay nag-extemporaneous speech na lamang ang Pangulong Aquino kaysa basahin ang ‘prepared speech’ na inihanda ng kanyang speech writers group sa harap ng delegado sa 10th Student Christian Action of the Philippines (SCAP) national leadership conference na ginanap sa SPU sa Maynila.

Ipinagtanggol naman kaagad ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda ang speech writers group na pinamumunuan nina Presidential Communications Development and Strategic Planning Office Sec. Ricky Carandang at Undersecretary Manolo Quezon kasama ang kontrobersyal na si Asec. Mai Mislang at sinabing nakikipagpulong ang grupo palagi sa Pangulo upang maging akma ang talum­pati ng Pangulo sa dadaluhan nitong okasyon.

Ayon kay Sec. Lacierda, kung minsan ay hindi na binabasa ng Pangulo ang kanyang talumpati depende sa mood nito at sa audience.

Aniya, nasa Pangulo pa rin ang huling desisyon kung nais nitong basahin ang ‘prepared speech’ nito o hindi.

Iginiit pa ng kalihim, hindi naman ibig sabihin nito ay hindi ‘masaya’ ang Pangulo sa gina­wang speech ng kanyang writers group kaya hindi binabasa ang ‘prepared speech’.  Napag-alaman na hindi ito ang kauna-unahang pagkakataon na hindi binasa ni Aquino ang ‘prepared speech’ nito. 

Show comments