MANILA, Philippines - Nagkakaroon na ng lamat ang samahan ng Liberal Party (LP) sa Caloocan City dahil sa mga maling hakbang na ginagawa umano ni Vice-Mayor Edgar “Egay” Erice dahilan upang maghain ng isang resolusyon sa Sangguniang Panglungsod ang dalawa nitong kapartidong konsehal upang masuspinde ang kanilang bise-alkalde.
Matatandaan na noong March 29 ng kasalukuyang taon nang maghain ng resolusyon sa Sangguniang Panglungsod sina 1st District Councilor Ramon Te at 2nd District Councilor Luis Abel upang mabigyan ng disiplina si Erice dahil sa ilang beses nitong pagwa-walk-out at pagpapatigil sa sesyon nang hindi man lamang ipinaaalam sa mga miyembro ng konseho.
Dahil dito, nababahala ang mga miyembro ng LP sa Caloocan sa posibleng pagkawatak-watak ng partido kaya’t nanawagan ang mga ito sa Malacañang na agad itong gawaan ng aksiyon upang mahinto na si Erice sa kanyang mga maling ginagawa.
Hinala pa ng mga miyembro ng LP sa Caloocan na maagang namumulitika si Erice kaya’t maging ang mga kapartido nito ay pilit na kinakalaban para lamang masungkit ang ambisyong maging alkalde ng nasabing lungsod.