MANILA, Philippines - Ikinatuwa ng kampo ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang naging desisyon ng Commission on Elections First Division na rebyuhin ang naging kautusan at pamamaraan ng paghawak ng Second Division sa kanilang poll protest na inihain ng natalong mayoral candidate na si Dante Tinga.
Ayon kay Atty. Darwin Bernabe Icay, tagapagsalita ni Cayetano, ang naging hakbang ng First Division ay kinakitaan nila ng pag-asa para sa hinihiling nilang patas na pagtrato sa kanilang kaso.
“From the start all the Cayetano camp is asking for is justice and fairness. They never asked for favors or special treatment. The Cayetano has always submitted to the jurisdiction of the COMELEC,” pahayag ni Icay kung saan nilinaw nito na may batayan ang kanilang pangamba ng dayaan sa poll protest dahil na rin umano sa impluwensya ng kanilang kalaban kay Comelec Chairman Sixto Brillantes na dati nitong kliyente.
Una nang ibinunyag ng mga Cayetano ang planong “fastbreak” sa kanilang kaso kung saan sa oras na mabuksan umano ang mga ballot boxes ay papabor na ito kay Tinga dahil na rin sa “nadoktor” na ang mga ito.
May 46 araw umano na hawak ng mga Tinga ang ballot boxes bago pa man umupo sa City Hall si Cayetano noong July 2010 at nang suriin ito ay marami nang ballot boxes ang walang kandado na magpapalakas umano sa duda na wala nang integridad ang mga balota.
Iginiit naman ni Cayetano na handa itong sumunod sa itinatakda ng Comelec ngunit dapat din umanong mapakinggan ang kanyang karapatan. Aminado ito na nangangamba siyang mapalitan lalo ang nilalaman ng mga ballot boxes sa oras na mailipat ito sa Comelec warehouse.
Umapela pa si Icay sa Comelec na magdesisyon sa mga kaso batay sa kung ano ang tama at hindi dahil sa impluwensya ng sinuman at panindigan ng komisyon ang pagiging independent body nito.