MANILA, Philippines - May kabuuang kalahating milyon ang nakatakdang magtapos ng iba’t-ibang kurso ngayong Abril, pero wala pang tiyak na mapapasukang trabaho ang mga ito.
Ayon kay Jayjay Viray, country manager ng Jobs DB.com, kung nais umanong tumulong sa kani-kanilang pamilya ng mga new graduates ay kailangan na huwag maging mapili sa paghahanap ng trabaho.
Sinabi ni Viray, kung ano ang darating o makikitang oportunidad ay marapat lamang na sunggaban agad ng isang aplikante basta kaya lang din naman ang trabahong iniaalok sa kanila.
“Experience muna ang isipin nila, huwag maging mapili dahil mahigpit ang kumpitensiya sa paghahanap ng kahit anumang uri ng trabaho,” ani Viray.
Binanggit pa ni Viray na sa 100 job order sa isang kumpanya ay umaabot sa 5,000 hanggang 7,000 ang aplikante na nag-aagawan sa bakanteng posisyon.
Aniya, may pag-uugali umano ang ibang graduate na kung ano ang kursong natapos ay iyon ang nais na pagtrabahuhan kaya ang nangyayari ay patuloy na lumulobo ang bilang ng mga istambay sa bansa.
Sa ngayon aniya ay naghahanap ang JobsDB.com ng kabuuang 8,000 Information Technology (IT) na itatalaga sa software programming, hardware repair at network support.
Nabatid naman mula sa DOLE at Bureau of Local Employment na 4,260 job vacancies para sa call agents at transcriptionists habang 3,000 naman ang hinahanap para sa Commerce at Accountancy graduates.