Sotto lalong nagngitngit sa droga

MANILA, Philippines - Hindi natinag ang posisyon ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III laban sa ilegal na droga kahit pa napaulat na nagalit sa kaniya ang pamilya ni Sally Ordinario.

Nilinaw ni Sotto na wala siyang intensiyon na saktan ang damdamin ng pamilya ni Sally at nauunawaan niya ang nararamdaman ng mga ito.

Ipinaliwanag ni Sotto na ang patuloy niyang paninindigan laban sa ilegal na droga ay para na rin sa kapakanan ng nakakara­ming Pilipino at upang wala ng sumunod sa masakit na sinapit ni Sally.

Nagalit umano ang pamilya ni Sally kay Sotto dahil sa pahayag ng senador na hindi dapat tulungan ang mga ito dahil totoong drug mule naman ang binitay na Pinay.

Naniniwala naman si Sotto na kung nakalusot ang ilegal na droga na dala-dala ng mga drug mule ay mas maraming buhay ang masisira. Hindi aniya isyung moral ang drug trafficking kundi isang seryosong problema na dapat masugpo kahit pa ano ang social status ng isang indibiduwal.

Dapat na rin umanong magkaroon ng batas na magbabawal na bigyan ng gobyerno ng legal assistance ang mga Filipino na masasangkot sa ilegal na droga sa ibang bansa upang iwasan niya ang mga sindikato.

Show comments