UN naalarma sa 600 child warrior sa Pinas
MANILA, Philippines - Ibinulgar kahapon ng mga opisyal ng United Nations na umaabot sa 600 child warrior na ang pinakabata ay 8-anyos, ang ginagamit ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Mindanao sa pakikipaglaban sa tropa ng pamahalaan.
Sa press briefing sa Defense Press Corps, sinabi ni Radhuka Coomaraswamy, special representative of the Secretary General for Children and Armed Conflict na dapat itong aksiyunan ng gobyerno dahil nasisira ang kinabukasan ng mga batang ito na sa halip na mag-aral ay namumundok at hinahasa sa terorismo.
Ayon kay Coomaraswamy, sa hanay pa lamang ng MILF ay nakapagtala na sila ng 600 child combatant na karamihan ay sangkot sa armed conflict bilang mga child warrior, espiya, couriers o mga munting intelligence officers.
Nakipag-ugnayan na ang United Nation International Children Fund (UNICEF) sa MILF at maging sa makakaliwang hanay sa pamamagitan ng National democratic Front kung paano maiiwasang idamay ang mga bata sa armadong hidwaan.
Nabatid na kahirapan at ang pagiging anak o kamag-anak ng isang rebelde ang pangunahing dahilan kung bakit nahihikayat ang mga batang paslit na sumama o masangkot sa armed conflict.
Sa istastika ng UNICEF, 67% ng child combatant ay mga lalaki habang 23% ay mga babae.
- Latest
- Trending