MANILA, Philippines - Muling niyanig ng magnitude 7.1 lindol ang Sendai, Fukushima at Iwaki sa Honshu sa Japan na ikinasawi ng may tatlo katao at ikinasugat ng mahigit 130, kamakalawa ng gabi.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, mula kahapon ay wala pang natatanggap ang Embahada ng Pilipinas sa Tokyo na Pinoy na nasugatan o nasawi sa insidente.
Hanggang sa Tokyo ay naramdaman ang malakas na pagyanig kaya halos 3.6 milyong kabahayan ang nawalan ng kuryente.
Dahil sa napakalakas na aftershock, agad na lumikas ang mga engineer at trabahador na nagkukumpuni sa nasira at sumabog na Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant.
Matapos na maalis ang tsunami warning ay agad na bumalik ang mga manggagawa ng planta upang ituloy ang pag-kontrol ng radiation ng mga tumagas at nasirang reactors nito.
Sa Pilipinas, agad nilinaw ng Phivolcs na walang dapat ipangamba ang mga Pinoy dahil wala itong banta ng tsunami sa ating bansa.
Sinabi ni Phivolcs Director Renato Solidum Jr., hindi ganoon kalakas ang lindol para lumikha ng tsunami na maaaring makarating ng Pilipinas kayat walang dapat ikatakot ang mamamayan hinggil dito.