MANILA, Philippines - Binatikos ni Ang Galing Pinoy party-list Rep. Mikey Arroyo ang gobyerno ni Pangulong Noynoy dahil inililihis lamang umano ng mga ito ang atensyon ng publiko sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, kuryente at mga pangunahing bilihin kaya mabilis at minadali siyang sinampahan ng kasong tax evasion.
Sabi ni Arroyo, simple lang ang isyu dahil kung binigyan siya ng 10-araw na palugit sa hinihingi ng Bureau of Internal Revenue (BIR) para masumite niya ang lahat ng dokumento na hinihingi ng bureau sana naibigay niya ito sa tamang oras.
Kinondena rin ni Arroyo, ang mabilis na aksyon na ginawa ng gobyerno laban sa kanilang mag-asawa dahil minadali daw ang kasong tax evasion para sakyan ito ng media at malihis ang atensyon ng mamamayan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng lahat halos ng uri ng bilihin sa bansa kabilang ang gasolina, tubig at kuryente.
Sabi ni Arroyo, hindi siya binigyan ng due process ng gobyerno dahil gusto siyang gipitin ng kasalukuyang administrasyon.