Taga-COA naman sa susunod!
MANILA, Philippines - Ito ang panawagan ng may 8,000 miyembro ng Philippine Government Audit Service Employees Association (PHILGASEA) kay Pangulong Noynoy Aquino kasabay ng pagpapahayag na wala na silang magagawa kundi suportahan ang ‘appointment’ ni Maria Gracia Tan bilang bagong chairman ng Commission on Audit.
Sa isang manifesto of support na ipinalabas ng PHILGASEA na union ng COA employees, sinabi ng tagapangulo nitong si Atty. Gloria Galanida-Calvario, taglay ni Tan ang katangian ng katapatan, integridad at may moral na standard para pamunuan ang kanilang ahensiya.
Gayunman, matindi ang panawagan ng unyon kay P-Noy na sa susunod na may italaga muli bilang bagong opisyal ng COA ay ikonsidera naman ang mga insiders o COA career officers mismo na sa buong buhay nila ay nagtrabaho na bilang auditor ng bansa.
Naniniwala sila na ‘prerogative’ ng Pangulo ng bansa kung sino ang gusto nitong i-appoint, pero dapat ay hindi rin kalimutan ang mga career officers.
Naniniwala si Calvario na sa tulong ng lahat, makakamit ni Chairman Tan ang mabuting layunin nito para sa COA kahit na outsider lamang ito.
- Latest
- Trending