MANILA, Philippines - Dapat magbayad ang First Philippine Industrial Corporation (FPIC) sa mga naapektuhang residente ng West Tower Condominium at mga naninirahan sa kalapit nito dahil sa nangyaring leak ng gas sa kanilang pipeline na dumadaan sa ilalim ng Bgy. Bangkal, Makati.
Sinabi ni Sen. Juan Miguel Zubiri, chairman ng Senate committee on environment and natural resources, responsibilidad ng FPIC ang nangyaring leak kaya dapat lamang bigyan ng tamang kompensasyon o danyos ang mga residenteng naapektuhan bukod pa sa paglilinis sa natirang petrolyo lugar.
Sinabi pa ni Zubiri, na inirekomenda rin ng komite na maghain ng kinakailangang aksiyon ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno laban sa FPIC dahil sa diumano’y paglabag nito sa Clean Air Act at Clean Water Act. Nalagay umano sa panganib ang kalusugan ng mga residente ng condominium at mga kalapit lugar nito dahil sa pagkakalanghap ng gas simula ng magkaroon ng leak.
Inatasan din ng komite ang FPIC na sagutin ang paglilinis sa West Tower at sa kalapit na lugar na naapektuhan ng leak.