MANILA, Philippines - Galit ang pamilya ni Sally Ordinario-Villanueva kay Senador Tito Sotto kaugnay ng pahayag ng senador na hindi dapat tulungan ang mga ito dahil totoong drug mule naman ang binitay na Pinay.
Ayon kay Geronimo Ordinario, ama ni Sally, dapat maging responsable si Sotto sa kanyang mga pahayag lalo na at isa itong mambabatas at kilalang tv personality.
Hamon ng pamilya Ordinario kay Sotto na magtungo sa kanilang tahanan at alamin kung anong uring pamumuhay mayroon sila. Kung totoo aniyang drug mule ang kanyang anak ay dapat na nakaalwan na sana sila ngayon sa buhay.
Pinasalamatan naman ng pamilya Ordinario ang Phil. Army dahil pinahiram sila ng military truck na pagdadalhan ng mga labi ni Sally.
Ayon kay Mang Geronimo, hihintayin muna nilang mailibing si Sally at agad na ayusin ang mga papeles para masampahan ng kaukulang kaso ang sinasabing recruiter ng anak na si Tita Cacayan na siya umanong nagbigay ng bag na dadalhin ni Ordinario na may lamang droga.