Mag-asawang Ligot dumalo sa pagdinig ng P428-M tax case
MANILA, Philippines - Humarap sa isinagawang preliminary investigation ng Department of Justice (DoJ) si dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Comptroller Lt/Gen. Jacinto Ligot at asawa nitong si Erlinda, kaugnay sa kinakaharap na P428-million tax evasion charges ng mag-asawa.
Pinangunahan ni Assistant State Prosecutor Stewart Mariano ang pagdinig sa kasong inihain ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kung saan kasamang nagtungo sa DoJ ng mag-asawang Ligot ang kanilang abogado na si Atty. Rafael Zialcita.
Hiningi ni Zialcita ang 10-day extension para maisumite ang kanilang counter-affidavits dahil Marso 28 nang matanggap ng kanyang kliyente ang complaint.
Bago simulan ang pagdinig, kinunan muna ng blood pressure si Erlinda kung saan naitala ang 160/100, habang 150/90 naman ang kanyang mister.
Batay sa complaint, sinasabing nabigo umano ang mga Ligot sa pagbabayad ng tamang buwis sa gobyerno mula taong 2001 hanggang 2004 na tinatayang umaabot sa P428 million ang aggregate tax liabilities ng mga ito.
Nabanggit din ng BIR ang kabiguan ng mga respondents sa pagbayad ng income tax sa kabila ng bank deposits, ari-arian sa Rizal province, condo unit sa Makati City at mga mamahaling sasakyan.
Nabatid na nakabili ng ilang mga pag-aari si Erlinda na kinabibilangan ng Paseo Parkview Tower II condominium unit sa Salcedo Village, Makati City; real property na nagkakahalaga ng $322,181 sa No. 1240 Cabernet Circle, Anaheim, California, USA, at $599,500 house and lot sa7102 Stanton Avenue, Buenas Park, California.
Ayon naman kay Justice Secretary Leila de Lima, tinitiyak niyang hindi makakakuha ng anumang VIP treatment ang mag-asawang Ligot dahil sa kanilang blood pressure.
Sinabi ni de Lima na ipatatawag ang clinic staff upang mamonitor ang kondisyon ng dalawa habang isinasagawa ang pagdinig.
- Latest
- Trending