MANILA, Philippines - May 10 Pinoy nurse sa Libya ang iniulat na dinukot at ginawang human shield ng mga armadong grupo, kahapon.
Inaalam na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang report na puwersahang tinangay ang may 10 nurses na nasa Misurata matapos na umatake sa isang ospital at barracks ng mga Pinoy health workers ang mga armadong lalaki.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Ed Malaya, nagpadala na ng labor attache mula sa Embahada ng Pilipinas sa Tripoli sa Misurata upang beripikahin ang ulat subalit bigo umanong makapasok sa nasabing lugar dahil walang humpay ang putukan.
Nanawagan na ang Embahada sa mga natitirang Pinoy sa Libya lalo na ang mga health workers na manatili sa kanilang barracks at sa ligtas na lugar.
Nauna rito, nagbigay ng babala ang DFA at Embahada sa may 2,500 Pinoy na karamihan ay mga nurses at health workers na magsiuwi sa “last call” na ipinatupad ng pamahalaan subalit nasa 100 katao lamang ang nagpasyang bumalik sa Pilipinas.
Ikinatuwiran ng Pinoy nurses at medical workers na mas ligats sila sa mga ospital dahil ito ang lugar kung saan dinadala ang mga nasusugatan sa panig ng mga kawal ni Libyan President Moammar Gadafhi at rebeldeng oposisyon bukod pa sa alok ng kanilang employer na dodoblehin ang kanilang sahod na halos umaabot ng P150,000 kada buwan.
Sa kabila nito, sinabi ng DFA na bukas pa rin ang Embahada sa Tripoli na mag-assist ng mga Pinoy na nagnanais na umuwi sa Pilipinas bagaman natapos na ang last call ng gobyerno.