MANILA, Philippines - Ibinasura ni Pangulong Benigno Aquino III ang panukalang alisin o bawasan ang sinisingil na Value Added Tax (VAT) sa mga produktong petrolyo.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa chance interview sa Palasyo, bagama’t ‘pogi points’ ito sakaling katigan niya ang panukalang alisin o bawasan ng 6 percent ang sinisingil na VAT sa produktong petrolyo ay hindi ito kanyang kakatigan.
Wika pa ni Aquino, mas direktang makakatulong ang fuel subsidy sa mga jeepney at tricycle kaysa sa alisin o bawasan ang VAT sa oil products.
Naunang sinabi na rin ni PNoy na tinatayang aabot sa P1 bilyon ang mawawala sa gobyerno sakaling alisin nito ang VAT sa oil products.
Magugunita na inaprubahan ni Pangulong Aquino ang P500-M fuel subsidy sa mga tricycle at jeepney franchise holders bilang direktang tulong sa mga ito sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Mamamahagi ng ‘smart card’ ang gobyerno sa mga jeepney at tricycle drivers na may prangkisa bilang fuel subsidy ng gobyerno sa mga ito.
Pag-aaralan naman ng Palasyo ang panukalang palawigin ang pagkakaloob ng fuel subsidy hanggang sa magsasaka at mangingisda na gumagamit ng krudo sa kanilang pagsasaka at pangingisda.