79 mutineers muling nanumpa
MANILA, Philippines - Matapos na mag-apply ng amnestiya na inialok ni Pangulong Benigno Aquino III, nanumpa muli ang 79 officers at enlisted personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nasangkot sa bigong pag-aaklas laban sa nakalipas na administrasyon.
Kasabay nito, tiniyak ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na ang panunumpa ng naturang nagbalikloob sa pamahalaang mutineers ay patunay at isang magandang senyales na hindi dadanas ng kudeta si PNoy sa loob ng anim na taon nitong termino.
Ang mga nanumpang dating renegades ay pinamumunuan ni dating Marine Col. Ariel Querubin.
Sa isang simpleng seremonya, pormal namang tinanggap nina Gazmin kasama si AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Oban Jr. at iba pang matataas na opisyal ang pakikiisa muli sa administrasyon ni Querubin at ng may 78 pang dating mga rebeldeng sundalo.
Kabilang naman sa 79 nanumpa ay binubuo ng 19 officers at 60 EPs (Enlisted Personnel).
Maliban kay Querubin kabilang pa sa matataas na opisyal na nanumpa ay sina dating Marine Captains Nicanor Faeldon at James Layug na nasangkot sa Hulyo 27, 2003 Oakwood mutiny ng Magdalo Group sa Oakwood Hotel sa Makati City.
Samantalang sina Querubin ay nasangkot naman sa nasilat na coup de etat noong Pebrero 2006.
Ang mga ito ay kabilang sa may 280 mga dating rebeldeng sundalo na nag-apply ng amnesty sa ilalim ng Amnesty Proclamation No. 75 ni PNoy kaugnay ng tatlong bigong coup de etat –Oakwood mutiny, Marine standoff noong Pebrero 2006 at Nobyembre 29, 2007 Manila Peninsula siege.
Samantalang , umaabot naman sa 238 amnesty application ang inaprubahan ni Gazmin sa ilalim ng binuong National Defense-Amnesty Committee.
Sa kasalukuyan, naghihintay pang maaprubahan ang inihaing amnestiya nina dating Marine Commandant ret. Major Gen. Renato Miranda, dating First Scout Ranger Regiment Chief ret. Brig. Gen. Danilo Lim at may 53 pang opisyal at EP’s.
- Latest
- Trending