MANILA, Philippines - Iginiit ng Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (KKKK) na dapat managot sa batas ang lahat ng taong gobyerno na nagkasala sa panahon ng kanilang panunungkulan.
Ayon kay KKKK spokesman Jun Peña, dapat ipakalkal ni Justice Secretary Leila de Lima ang lahat ng kasong natutulog sa korte lalo sa Office of the Ombudsman, Sandiganbayan at sa mga regional trial court.
Partikular na kinondena ng KKKK ang mga natulog na kaso sa Ombudsman at mga korte ni dating MTRCB at PCSO chairman Manuel Morato partikular ang pagbebenta niya sa “Sundance Resort” sa Boracay, Aklan na pag-aari ng kaibigan niyang Japanese na dating opisyal ng Asian Development Bank.
Nabili umano ng Japanese national ang Sundance Resort sa mag-asawang Australian at isinailalim niya sa kontrol ng kompanyang TF Ventures. Ngunit pinasalakay ni Morato ang bahay ng Hapones para makuha ang papeles ng TF Ventures at kinasabwat ang abogado ng Hapones para mapalitaw na siya ang may-ari ng TF Ventures.
Naibenta ni Morato ang Sundance Resort sa ama ng mga pulitikong sina Cheese at Lex Ledesma at pinangalanan ng mga Ledesma ang Sundance Resort na “Nami Resort Boracay” sa Diniwid Beach. Kinasabwat din niya ang mga opisyal ng Bureau of Immigration para maipatapon ang Japanese national at ang mag-asawang Australian na binilhan nito ng Sundance Resort mula sa Pilipinas ngunit nagdemanda ang Hapones.