MANILA, Philippines - Posibleng maharap sa kasong obstruction of justice at indirect contempt sina Taguig City Mayor Ma. Laarni Cayetano at Taguig City Treasurer Marianito Miranda dahil umano sa patuloy na paglabag nito sa batas o pagsuway sa kautusan ng Commission on Elections na pasimulan na ang recount ng mga balota sa pagitan nila ni dating Supreme Court Justice Dante Tinga.
Sa kabila ng kautusan ng Comelec na agarang recount, nabatid na ang mga tauhan ni Cayetano ay nagbarikada upang hindi mapasok ang City Hall at agad ring nag-leave of absence si Miranda upang hindi makuha ang mga balota.
Sa 4-pahinang kautusan ni Commissioner Elias Yusoph, nagpasya ang Comelec 2nd Division na ipa-retrieve ang ballot boxes mula sa Taguig City Hall at ilipat sa warehouse ng Comelec sa Philippine Postal Corp. bilang isang neutral ground. Kapwa ibinasura rin ng Comelec ang motion for reconsideration at urgent motion for ocular inspection of Taguig City Auditorium na inihain ni Cayetano dahil sa kawalan ng merito.
Muli rin nitong inutos kay Atty. Teopisto Elnas, Jr., Director IV, ng Election and Barangay Affairs Department (EBAD), na kolektahin ang 373 ballot boxes sa Taguig City at dalhin sa Philpost warehouse.
Inatasan din si Miranda na i-turn over kay Elnas ang mga balota.