MANILA, Philippines - Ipinag-utos ng Commission on Elections ang mano-manong pagbilang sa mga balota kaugnay sa inihaing election protest ni dating House Speaker Prospero Nograles laban sa kasalukuyang alkalde ng Davao City na si Mayor Zara Duterte.
Sa anim na pahinang desisyon ni Comelec Commissioner Lucenito Tagle ng Second Division, inatasan nito ang Electoral Contests Adjudication Department (ECAD) na simulan sa Abril 11 ang muling pagbibilang sa 100 ‘priority contested clustered precints’ na tinukoy ni Nograles sa kanyang protesta kayat inatasan nito si Atty.Magellan Ferrer na utusan ang kampo ni Duterte na magsumite ng kumpletong line up ng kanilang mga revisor hanggang Abril 5,2011
Sa kanyang protesta, sinabi ni Nograles na nagkaroon ng paglabag umano sa proseso ng halalan na nagresulta sa dayaan at iregularidad, kabilang na ang hindi pagsasabi sa kanyang mga poll watcher nang tanggalin ang compact flash card mula sa mga PCOS machine bago isagawa ang halalan.
Tiwala naman si Nograles na ang gagawing mano-manong pagbibilang ng boto ang magpapatunay na ang aktuwal na resulta ng botohan ay hindi tumutugma sa ipinadala ng PCOS machines sa Kongreso.