Commissioner pinapa-inhibit sa electoral protest sa Taguig
MANILA, Philippines - Ipinapa-inhibit ni Taguig City Mayor Lani Cayetano si Comission on Elections (Comelec) Commissioner Elias Yusoph sa paghawak sa nakasampang electoral protest sa Taguig.
Sa motion for inhibition na isinampa ni Cayetano sa 2nd Division ng Comelec kahapon, iginiit ng alkalde ang pangangailangan na mag-inhibit si Yusoph sa election protest na isinampa ni natalong mayoralty candidate ex-justice Dante Tinga dahil nagpapakita umano ng pagkiling si Yusoph kay Tinga.
May “reliable” na impormasyong nakarating sa mga Cayetano na pinapaboran umano ni Yusoph ang kampo ni Tinga dahil sa pagla-lobby ng isang makapangyarihang pulitiko na nakatulong ng malaki para mabawi sa kamay ng mga kidnaper nito ang anak ni Yusoph.
Sa records ng Comelec, pang-44 ang protesta ni Tinga ngunit napansin ng kampo ni Cayetano na, sa dinami-rami ng bilang ng mga protesta sa buong Pilipinas, anim (6) na lugar pa lang sa mga ito ang nakolektahan ng ballot boxes habang pinag-iinitan at minamadali ang sa Taguig. Pang 44 sa protesta ngunit ginagawa umanong pang-apat sa Second Division.
Bukod dito, isa ring Comelec commissioner ang napaulat na personal na “nagla-lobby” umano para mapasakamay nila ang mga ballot box na nasa auditorium ng city hall.
Una nang tinututulan ni Cayetano ang paglilipat ng mga balota sa bodega ng Comelec sa Philpost sa lungsod ng Maynila. Pinangangambahan nitong mapapalitan ang mga balota lalo’t kung ikukunsiderang hindi angkop ang seguridad sa warehouse na ito ng Philpost.
Nakasaad din sa motion for inhibition ang mabilis na pagkilos ng Comelec 2nd division kapag si Tinga ang humihingi ng aksyon.
- Latest
- Trending