MANILA, Philippines - Pinaaamyendahan ni Senator Francis Pangilinan ang impeachment rules na gagamitin sa paglilitis kay Ombudsman Merceditas Gutierrez dahil posible umanong umabot sa isang taon ang gagawing paglilitis na magsisimula sa Mayo.
Sa Senate Resolution 441, sinabi ni Pangilinan na mas magiging epektibo ang paggamit ng pondo at oras ng Senado kung agad na matatapos ang impeachment trial ni Gutierrez.
Sa records ng nakaraang impeachment trial, umabot sa tatlong buwan bago matapos ang dalawa sa apat na articles of impeachment kaya aabot sa isang taon ang pagdinig sa anim na articles of impeachment na inihain laban kay Guiterrez.
Kung mapapatunayan aniya ng mga prosecutors mula sa House of Representatives na may basehan ang kaso laban kay Gutierrez kahit sa isa lamang sa anim na articles awtomatikong mapapatalsik sa puwesto ang Ombudsman.
Nangangahulugan aniya na hindi na dapat bumoto ang Senado sa lahat (6) ng articles of impeachment dahil sapat na ang conviction kay Gutierrez sa isang article pa lamang.
Base sa rules, kinakailangang matapos muna ang pagdinig sa anim na articles bago magkakaroon ng botohan sa bawat article.
Nais ni Pangilinan na pagkatapos maiprisinta ang isang article magkaroon na kaagad ng botohan at kung mapapatunayang ‘guilty’ si Gutierrez ay huwag ng ituloy ang pagdinig sa mga susunod na articles.