MANILA, Philippines - Pinawi kahapon ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) ang pangamba ng mga Filipino na apektado ng radiation ang mga “beaches” sa bansa kung saan muling iginiit na nananatiling ligtas sa kalusugan ng tao ang tubig dagat.
Sinabi ni PNRI Deputy Director Corazon Bernido na walang dahilan para kanselahin ng mga bakasyunista ang plano nilang pagtungo sa mga beach resorts o maging sa mga simpleng baybaying dagat para maligo.
Matatandaan na kinumpirma ng PNRI na nakarating na sa Pilipinas ang radiation buhat sa Japan ngunit napakaliit umano nito para makaapekto sa kalusugan kung saan mas dapat pang katakutan ang lason ng “red tide” na palagiang sumasalakay sa mga karagatan sa bansa.