Sakit na computer vision syndrome dumarami
MANILA, Philippines - Naalarma ang Asian Eye Institute sa pagdami ng bilang ng mga Pinoy na may sakit na tinatawag na Computer Vision Syndrome (CVS), isang uri ng sakit sa mata na kapag napabayaan ay maaaring ikabulag ng isang pasyente.
Ayon kay Dr. Jessie Caguiao, Opthomologist ng Asian Eye Institute, ang CVS ay nakukuha sa sobrang paggamit ng computer, cellfone at video games.
Sinabi ng doktor, araw-araw ay umaabot sa 10 hanggang 15 katao ang nagpapatingin sa kanila dahil sa pagkakaroon ng CVS. Ang indikasyon na mayroong CVS ang isang indibidwal ay makakaranas ng pamumula, pangangati at paglabo ng paningin.
Para maiwasan umano ang CVS ay kailangan sundin ang 20-20-20 rule. Sa bawat 20 minuto na paggamit ng computer ay kailangan ipahinga ang mga mata sa loob ng 20 segundo at tumingin sa ano mang bagay na may layo ng 20 feet.
Payo pa ng doktor, dapat ang computer monitor ay mas-mababa rin sa mga mata at may layong 13-pulgada.
Hindi umano dapat ipagwalang bahala ang CVS dahil mareresulta ito ng tuluyang pagkabulag kapag napabayaan ito.
- Latest
- Trending