3 Pinoy binitay na!
MANILA, Philippines - Itinuloy din ng Chinese government ang pagbitay sa tatlong Pinoy sa kabila ng pagsusumikap ng gobyerno ng Pilipinas na masagip sila sa kamatayan.
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) mula sa tawag ng Chinese Foreign Ministry na pasado alas-11 ng umaga kahapon nang bitayin sa pamamagitan ng lethal injection sina Ramon Credo, Sally Ordinario-Villanueva at Elizabeth Batain.
Agad na iniulat ng DFA kay Vice President Jejomar Binay na nasa Qatar ang ginawang pagbitay sa tatlo na inianunsyo naman ni Binay sa sambayanang Pilipino dakong alas-11:56 ng umaga kahapon.
Sina Credo at Villanueva ay magkasabay na na-execute sa Xiamen habang si Batain ay sa Shenzhen.
Ayon sa DFA, sina Credo at Villanueva ay binigyan ng pagkakataon na makita at makausap ang kanilang pamilya dakong alas-8 hanggang 9 ng umaga kahapon sa Xiemen habang si Batain ay alas-10 ng umaga matapos siyang basahan ng hatol ng korte ng alas-9:30 ng umaga. Matapos makapiling ng kanilang pamilya ay doon lamang nalaman ng tatlo na sila ay bibitayin na.
Ayon sa Konsulado, madamdamin at bumuhos ang luha sa pagtatagpo ni Villanueva at kanyang pamilya sa Xiamen No. 1 Detention House bago siya isinalang sa bitayan.
“Ba’t andito kayo, mamamatay na ba ako?” ito umano ang salubong na tanong ni Sally na gulat na gulat ng makita ang mga magulang na sina Peter Geronimo at Basilisa Ordinario at mga kapatid na sina Jason at Maylene sa loob ng detention cell.
Dito, hindi na napigilan na mag-iyakan at magyakapan ang pamilya Ordinario at walang sinayang na sandali para sa isang oras na pagsasama at pag-uusap.
Ayon kay Jason, maraming ibinilin si Sally kabilang na ang pangarap na bahay, pag-aalaga at pag-aaral ng kanyang dalawang anak.
Matapos ang isang oras, naging mahigpit ang mga Chinese jailguards at agad tinapos ang pag-uusap ng pamilya Ordinario at saka ibinigay sa pamilya ang mga gamit ni Sally.
Sinabi naman ni Peter Ordinario, na nakita na nila ang bangkay ng anak na si Sally matapos ipasilip sa pinagdalhang punerarya. May nilagdaan na umano silang dokumento upang maiuwi ang mga labi nito sa Pilipinas pero posibleng abutin ng mahigit isang linggo.
Nangako naman si Consul Joel Novicio ng embahada ng Pilipinas sa Xiamen at Guangzhou na tutulungan nila ang pamilya ng tatlo upang maiporoseso ang pagpapauwi sa mga labi.
Una nang sinabi ni DFA Spokesman Ed Malaya na maaaring aabutin ng dalawang linggo bago maiuwi ang mga labi ng mga Pinoy dahil sa sinusunod na proseso sa China. Maaari din silang i-cremate sa China kung nanaisin ng kanilang pamilya bago maiuwi sa bansa.
Samantala, agad nagpaabot ng pakikiramay si Pangulong Aquino sa pamilya ng tatlong Pinoy na binitay.
“The nation sympathized with the families of the condemned, sharing their sense of looming loss. We sympathize with these families now. Their deaths are a vivid lesson in the tragic toll the drug trade takes on entire families,” pahayag ni PNoy.
Sa kabila ng pagluluksa ay humihingi ng katarungan ang pamilya ng tatlo na biktima rin umano ng sindikato ng droga. (May ulat nina Rudy Andal at Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending