Puwersa ng NPA bumaba ng 73%
MANILA, Philippines - Bumaba ng 73% ang puwersa ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bansa dulot ng epektibong pagpapatupad ng Bayanihan system sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Ito ang ipinagmalaki kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay ng pagdiriwang ngayong araw (Marso 29) ng ika-41 taong anibersaryo ng NPA sa bansa.
Ayon sa AFP, simula ng magpalit ng istratehiya na may Codename na Internal Peace and Security Plan (IPSP) Bayanihan ay malaki ang ibinaba ng puwersa ng NPA na aabot sa 161 kung saan 117 dito ay nagsisuko sa tropa ng militar.
Noong unang bahagi ng 2010, bumaba ng 215 ang bilang ng NPA sa naitalang 71 miyembro o 33% na nagsisuko sa pamahalaan at sa taong ito bunga naman ng epektibong Bayanihan ay tumaas ng 40% ang mga nagbalikloob sa gobyerno.
Samantalang bumaba rin ng 12 % ang mga insidente ng engkuwentro sa pagitan ng tropa ng mga sundalo at ng NPA rebels kumpara ng unang bahagi ng nakalipas na taon.
Idinagdag pa nito na inaasahan ng AFP na higit pang bababa ang insidente ng mga engkuwentro sa pagitan ng tropa ng militar at ng NPA red fighters dahilan patuloy ang pagdagsa ng bilang ng mga nagsisisukong mga rebelde.
- Latest
- Trending