MANILA, Philippines - Nagisa ng husto si Land Transportation Office (LTO) chief Virginia Torres sa ginanap na House Committee on Transportations and Communications hearing kamakailan dahil sa tila pinapaboran nito ang grupo ng mga negosyante na nagtangkang kumubkob sa Stradcom building noong December 9, 2010 gayung walang maipakitang matibay na ebidensiya ang mga ito upang angkinin ang kumpanyang Stradcom Corp.
Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Transportation and Communication, una ng kinuwestiyon ng mga mambabatas si Torres kung bakit nito pinayagan ang grupo nina Bonifacio Sumbilla at Aderito Yujuico na makapasok sa Stradcom vicinity na nasa loob ng LTO compound.
Hindi rin nakalusot ang ginawang pagliban ni Torres bilang LTO chief ng aminin nito na ang kanyang 2 days leave ay walang kaukulang permiso at clearance na naging dahilan upang lumutang ang haka hakang nag-AWOL (Absent Without Leave) ito sa kanyang trabaho.
Posible umanong maharap sa kasong administratibo o suspensiyon si Torres sa ginawang pagliban nito ng hindi nagpa-file ng leave, maging si DoTC Assistant secretary for administrative Racquel Desiderio ay kinumpirmang wala siyang knowledge kung nag-file nga ng leave of absence si Torres.
Samantala nagalit naman si committee chairman Roger Mercado ng lumutang si Sumbilla sa ginanap na pagdinig gayung hindi ito iniimbitahan upang dumalo gayunpaman tanging palsipikadong General Information Sheet (GIS) lamang ang naipakita nitong katibayan para sabihin na sila ang nagmamay-ari ng Stradcom.
Sinabi naman ni Stradcom spokesperson Margaux Salcedo na ang hawak na GIS ni Sumbillo ay pineke at nagsampa na sila ng kasong falsifications laban sa mga ito, agad na din nila umanong ipinabatid sa kaalaman ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang umano’y pamemeke sa GIS.