Pagbitay sa 3 Pinoy sa China bawal panoorin ng kaanak
MANILA, Philippines - Ipinagbawal ng Chinese government na masilip o mapanood ng pamilya o maging mga opisyal ng Pilipinas ang gagawing pagbitay sa tatlong Pinoy bukas (Marso 30).
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), sa batas ng China ay isang araw bago ang takdang pagbitay ay maaaring madalaw, makausap at mayakap ng kanilang pamilya ang mga bibitaying Pinoy na sina Ramon Credo, Sally Ordinario Villanueava at Elizabeth Batain.
Bukod dito, mahigpit na ipinagbabawal na makita ng sinumang Pinoy ang aktuwal na pagbitay sa pamamagitan ng lethal injection sa magkahiwalay na lugar sa China. Sina Credo at Ordinario ay sabay na bibitayin sa Xiamen habang si Batain sa Shenzhen.
Sinabi ng DFA na itinakda ang pagkikita at pag-uusap ng tatlong Pinoy sa kanilang pamilya ngayong araw at ang pagbitay ay gagawin bukas (Miyerkules) ng umaga.
Ayon kay Foreign Affairs spokesman Ed Malaya, kapag natuloy ang bitay posibleng dalawang linggo pa bago maiuwi ang mga labi ng tatlong Pinoy o kaya ay ipasailalim sila sa cremation.
Ngayong araw ay matinding dasal ang gagawin ng sambayanang Pilipino upang ipanalangin na magbago pa ang isip ng Chinese government na huwag ituloy ang eksekusyon sa tatlong Pinoy.
Malalaman naman ang ‘last minute’ na sagot ng China sa huling apela ni Vice President Jejomar Binay at pamilya Ordinario na naghain ng hiwalay na appeal letter kay Chinese President Hu Jintao na humihingi ng clemency sa tatlong Pinoy.
- Latest
- Trending