MANILA, Philippines - Kinasahan ng Malacanang ang hamon ni Sen. Panfilo Lacson na siyasatin muli ang Dacer-Corbito double murder case kung saan ay ipinaubaya naman ito ng Palasyo sa Department of Justice (DOJ).
Sinabi ni Presidential Communications Sec. Ricky Carandang, bahala na si DOJ Sec. Leila de Lima na isagawa ang reinvestigation para malinawan ang kontrobersyal na kaso.
Iginiit din ng Palasyo na walang kinalaman ang Pangulo sa paglantad nito at pagkabasura sa kanyang arrest warrant.
Magugunita na mismong ang mambabatas ang nagsabi na hindi niya naramdaman na naging kaalyado siya ng Palasyo dahil sa kabila ng utos ng korte sa pagbasura sa kanyang arrest warrant ay patuloy pa rin siyang hinahabol ng DOJ.
Samantala, hinamon naman ni Sec. de Lima si Lacson na ibunyag nito ang kanyang pinagtaguang bansa dahil responsibilidad umano nito bilang elected official na sabihin ang kanyang pinanggalingan.
Nagtataka din si de Lima kung paano nagawa nitong magpalipat-lipat ng bansa gayung agad nakansela ang kanyang pasaporte.
Aniya, pag-aaralan ng kanyang tanggapan kung maaaring kasuhan ang mga kaibigan ng senador na tumulong sa pagtatago nito.
Nilinaw din ni de Lima na dapat irespeto ni Lacson ang kanyang inilabas na opinion sa Dacer-Corbito double murder case at iginiit na hindi ito ‘pagdidiin’ sa mambabatas sa kaso.
Idinagdag pa ng DOJ chief, pag-aaralan din nila kung maghahain sila ng petition for review sa Korte Suprema o magkaroon ng reinvestigation sa pagkaka-abswelto ng Court of Appeals sa mambabatas sa Dacer-Corbito case.
Wala namang naging komento si de Lima sa patutsada ni Lacson kay Assistant State Prosecutor Hazel Valdez sa pagkumbinsi umano nito kay Supt. Glenn Dumlao at Cezar Mancao na ituro siya sa kaso.
Sabi ni de Lima, si Atty. Valdez lamang ang dapat magpaliwanag sa akusasyon ni Lacson.
Nagpahiwatig naman ng pagtatampo si Lacson sa Aquino administration dahil kahit nagbago na ang administrasyon ay hindi niya naramdaman na naging kaalyado siya nito bagkus ay pakiramdam niya ay patuloy pa rin ang ‘persecution’ sa kanya.
Aniya, simula ng magtago siya sa loob ng 13 buwan ay nabuhay siya na parang ‘bilanggo’ na wala lamang sa selda.
“For thirteen months, I lived the life of a prisoner outside a prison cell,” pahayag ni Lacson sa kaniyang opening statement.
Aniya, ang pinakamasakit umano para kay Lacson habang siya ay nagtatago ay hindi niya alam kung sino ang mga totoo niyang kaibigan.
Inamin din ng senador na naging emosyonal siya nang mabalitaan niya na pati ang kanyang mga staff ay tinanggalan ng pondo na wala namang kinalaman sa kanyang kaso.
Muling pinanindigan ni Lacson na wala siyang kinalaman sa kaso nina Bubby Dacer at Emmanuel Corvito.
Pero inamin rin nito na hindi tama ang ginawa niyang pagtatago at pagtangging sumailalim sa kapangyarihan ng korte.
Sinabi ni Lacson na lumutang na siya dahil wala ng ‘legal impediment’ sa kaniyang paglabas.
Itinanggi rin ni Lacson na may kinalaman sa impeachment complaint ni Ombudsman Merceditas Gutierrez ang kaniyang paglutang.