'Sagip Ilog' ng Las Piñas umani ng parangal sa UN
MANILA, Philippines - Nakopo ng programang “Sagip Ilog” ng Villar Foundation ang pinakamataas na parangal makaraang mapanalunan ang United Nations Best Practices Award dahil sa rehabilitasyon sa ilog ng Las Pinas-Zapote at pagbibigay ng trabaho sa mga naninirahan sa paligid nito.
Personal na tinanggap ni dating Las Pinas Rep. Cynthia Villar ang ‘Best Water Management Practices” award sa nakaraang World Water Day noong Marso 22 sa Zaragosa, Spain. Dinaig ng Pilipinas ang 38 pang bansa sa naturang kategorya.
Gumagamit ang Villar Foundation ng backhoe, barges, at garbage traps bilang paglilinis sa 30 kilometrong kahabaan ng naturang ilog.
Kaiba sa ilang programa, hindi itinuturing na basura ang mga “water lily” na dating kumukulapol sa ilog. Sa halip, inaani ito ng mga residente at ginagawang mga basketbag, at ibang kasangkapan na ibinibenta sa lokal na pamilihan at ini-export.
Dahil dito, unti-unting lumuluwag ang Las Piñas-Zapote River kung saan nabubuhay na muli ang mga isda na maaari nang mahuli ng mga mangingisda bilang pagkain.
Nakapaloob rin sa programa ang pagtatanim ng kawayan sa paligid ng ilog na pangunahing materyales naman sa paggawa ng mga parol sa Las Pinas na kilala bilang “Parol Capital” ng Pilipinas. Ginagawa ring abono ang nakokolektang mga organic na basura, ginagawang lambat ang mga kusot ng niyog na itinapon sa palengke at ginagamit na materyales ang mga dinurog na basurang plastic sa paggawa ng hollowblocks.
- Latest
- Trending