Arabian Sea attack: 20 Pinoy nasagip ng US Navy
MANILA, Philippines - Nailigtas ng United States Navy ang may 20 tripulanteng Pinoy na inatake sa loob ng kanilang sinakyang barko ng mga armadong pirata sa Arabian sea.
Sa report na nakarating sa Department of Foreign Affairs (DFA) kahapon, lulan ang 20 Pinoy crew sa merchant vessel Falcon Trader II, isang Philippine-flagged ship nang salakayin ng mga pirata.
Naging maagap naman ang mga tripulanteng Pinoy at agad nagsitago at nagkulong sa kanilang cabin dala ang kanilang mga communication gadgets, pagkain at inumin.
Mabilis din silang nakapagpadala ng dalawang distress call kaya agad na ipinadala ng US Navy ang dalawang Norfolk-based navy ships na USS Enterprise at USS Leyte Gulf na nasa ilalim ng “Operation Enduring Freedom”.
Agad na pinalibutan ang hina-hijack na barko at dalawang beses na nag-warning shot ang HS-11 helicopter upang kontrahin ang pag-atake ng mga pirata.
Nabatid na nakasampa na sa barko ng mga Pinoy seamen ang mga pirata at sinisimulan nang halughugin ang barko nang magbigay ng warning shots ang dalawang rumespondeng helicopter.
Mabilis na nagpulasan ang mga natarantang pirata sakay ng kanilang mga bangka palayo sa lugar habang nakatago ang mga Pinoy sa mga cabin.
Nasa control na umano ng mga tripulante ang nasabing barko at walang nasaktan sa isa man sa mga crew dahil sa mabilis na pagresponde ng tropa ng US Navy.
- Latest
- Trending