MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon si Bishop (Bro.) Eddie Villanueva sa lahat ng Christian churches sa Pilipinas na ipagdasal na magawaran ng clemency ang tatlong Pilipinong nakasuhan ng drug trafficking at takda nang bitayin sa China.
Si Villanueva ang international president ng Jesus is Lord Church Worldwide at chairman emeritus ng Philippines for Jesus Movement.
Sinabi ni Villanueva na kailangang ipagdasal ang tatlong Pilipino sa gaganaping mga mass at worship services ngayong Linggo.
Idiniin ni Villanueva ang pangangailangang manalangin bilang isang bansa para magbigay ng pag-asa sa bibitaying sina Elizabeth Batain, Sally Villanueva, at Ramon Credo.
Binanggit niya na, bilang mga overseas Filipino worker, maaaring walang ibang mapamimilian ang tatlo kundi sumunod sa kani-kanilang employer nang atasan silang magpuslit ng bawal na gamot.
Binanggit pa ni Villanueva na isang patakaran sa China na pinapatawan ng mas mahigpit na parusa o parusang kamatayan ang mga utak ng krimen tulad ng drug trafficking pero nagbibigay ito ng kaluwagan sa mga akusado na napilitan lang sumali o may maliit na papel sa krimen.
“Dapat bigyan ng kaluwagan at kaawaan ang mga OFW na kinabibilangan ng mga domestic helper na napilitang maghanap ng trabaho sa ibang bansa. Pagpalain ang mga nagpapakita ng awa dahil pagpapalain din sila, sabi sa Biblia,” ayon pa kay Villanueva.