^

Bansa

Ping lumutang na!

- Nina Butch Quejada, Ludy Bermudo, Malou Escudero at Joy Cantos -

MANILA, Philippines - Matapos ang mahigit isang taong pagtatago ay lumutang na si Senator Panfilo “Ping” Lacson na dumating kahapon sa bansa mula sa Hong Kong sakay ng Cathay Pacific Airlines flight CX-921.

Dumating si Lacson bandang alas 11:42 ng umaga sa Mactan International Airport sa Cebu at mula rito ay bumiyahe patungong Maynila lulan naman ng isang private Baron-type A-C twin engine na may tail no. RPC 2711. Umalis si Lacson sa Cebu general aviation area bandang 4:30 ng hapon at dumating sa Manila Domestic hangar ng NAIA pasado alas-5 ng hapon. Sinasabing kasama ni Lacson ang isang Gen. Acop.

Kinumpirma naman ni Bureau of Immigration-Cebu chief Elsie Lucero ang pagdating ni Lacson. Sinalubong ang senador ni Danilo Almeda ng BI-Manila.

Nagmistulang pangkaraniwang pasahero sa arrival si Lacson at sinunod nito ang proseso tulad ng pagpiprisinta sa mga immigration official ng kaniyang mga travel document.

Nagsimulang magtago si Lacson noong Enero 2010 matapos mapaulat na may ipalalabas na warrant of arrest laban sa kaniya makaraang idiin ni da­ting police Sr. Supt. Cesar Mancao sa kaso ng pamamaslang kina publicist Salvador “Bubby” Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito noong November 2000.

Sinabi noon ng senador na ang pag-alis niya sa Pilipinas ay dahil sa paniniwala na hindi siya makakakuha ng patas na hustisya sa administrasyong Arroyo at ang murder case na isinampa laban sa kanya ay isang ‘political persecution.

Matatandaan na ipinasara ni Senate President Juan Ponce Enrile ang opisina ni Lacson noong Oktubre 2010 matapos masilip ng Commission on Audit ang gastos sa opisina nito gayong patuloy namang nagtatago ang senador at hindi nagagampanan ang trabaho.

Pero kamakailan ay nagpalabas ng kautusan ang Court of Appeals (CA) na nagpawalang saysay sa inisyung warrant of arrest ng Manila Regional Trial Court laban kay Lacson kasabay ng atas sa Department of Justice (DOJ) na bawiin na ang inihaing information laban sa senador dahil sa kawalan ng probable cause sa pagsasangkot sa kaniya sa Dacer-Corbito.

Kasunod nito, iniutos na rin ng National Bureau of Investigation (NBI) na tanggalin na ang pangalan ni Lacson sa wanted list o Red Notice ng Interpol.

Nitong Huwebes ay pinabuksan ni Enrile ang tanggapan ni Lacson na nasa room 510 ng Senate building.

Isang staff ni Lacson ang tumawag sa kaniya at nag-request na buksan na ang opisina ng senador na indikasyon umano na malapit na itong bumalik sa bansa.

Umaabot sa P38,000 ang buwanang suweldo ni Lacson at nasa P2 milyon naman ang pang-suweldo sa kaniyang staff at gastusin sa opisina.

Inaasahan na rin ng mga senador na makakasama nila sa pagbubukas ng sesyon si Lacson.

Itinanggi naman nina Sens. Gregorio Honasan at Vicente “Tito” Sotto III na may kinalaman sa impeachment trial ang biglang paglutang ni Lacson dahil dapat magkaroon ng sapat na bilang ng mga senador bago matuluyang mapatalsik sa puwesto si Ombudsman Merceditas Gutierrez. Ani Sotto, ang pagbabalik ni Lacson ay may kinalaman  sa naging desisyon ng CA at hindi sa gagawing pag-upo ng mga senador bilang judge ni Gutierrez.

Posibleng sa Lunes pa humarap sa media si Lacson, ayon sa media relations officer nitong si Gerry de Belen.

Sinabi ni de Belen, ipinarating sa kaniya ng anak ni Lacson na si Ronald Jay Lacson na tumatayong chief of staff rin ng senador na posibleng sa Lunes pa harapin ni Lacson ang media na matagal ring nag-abang sa kaniyang pababalik.

Mas gusto umano ng senador na makasama muna nito ang kaniyang pamilya na mahigit ring isang taon na hindi niya nakapiling.

Hindi rin masabi ni de Belen ang eksaktong kina­roroonan ng senador kahapon matapos mapaulat na nagbalik na sa bansa.

vuukle comment

ANI SOTTO

BELEN

BUREAU OF IMMIGRATION-CEBU

CATHAY PACIFIC AIRLINES

CEBU

CESAR MANCAO

COURT OF APPEALS

DANILO ALMEDA

LACSON

SENADOR

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with