MANILA, Philippines Dalawang linggo matapos ang magnitude 9 lindol sa Japan, niyanig naman ng 7.0 lindol ang Myanmar malapit sa border ng Laos at Thailand sanhi ng pagguho ng may 240 gusali, pagkasawi ng may mahigit 60 katao at pagkasugat ng 90 iba pa.
Gayunman, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) spokesman Ed Malaya na walang Pinoy na naitalang nasugatan o nasawi. Mula sa 340 OFWs na nagtatrabaho sa Myanmar, walang Pinoy ang nasa Shan state na sentro ng lindol.
Sa report ni Ambassador Hellen Barber ng embahada ng Pilipinas sa DFA, naganap ang lindol dakong 8:59 kamakalawa ng gabi, oras sa Myanmar.
Maraming kalsada ang nasira at karamihan ng mga biktima ay naipit at natabunan ng mga gumuhong bahay at gusali.
Makalipas ang dalawang oras ay nagkaroon naman ng 5.4 magnitude na aftershock.
Nabatid sa United States Geological Survey (USGS) na naramdaman din ang pagyanig sa Bangkok, Thailand, China at Hanoi, Vietnam.