Rabusa namigay ng kotse, pera gamit ang pondo ng militar
MANILA, Philippines - Mistulang inamin kahapon ni dating military budget officer George Rabusa na isa siya sa pasimuno sa pagpapalaganap ng kultura ng korupsiyon sa AFP matapos aminin ang pagbibigay ng kotse sa dati niyang deputy assistant na si Col. Cirilo Thomas Donato Jr., bukod pa sa pera gamit ang pondo ng militar.
Ibinunyag ni Rabusa sa pagpapatuloy ng hearing ng Senate Blue Ribbon Committee na nabigyan niya ng kotse si Donato noong siya pa ang budget officer ng AFP bukod pa sa P300,000 hanggang P500,000 buwanang allowance para sa kanilang tanggapan.
Inamin din ni Rabusa na ginamit niya ang ipinapa-convert na pondo ng militar sa pagbili ng P800,000 Honda Civic para kay Donato.
Kinumpirma naman ni Donato ang pagtanggap ng kotse mula kay Rabusa noong major pa lamang ang kaniyang ranggo bagaman at hindi na umano niya inalam kung para saan ito at nagpasalamat na lamang siya.
Sinabi ni Rabusa na naging tapat sa kaniya si Donato kaya niya ito binigyan ng Honda Civic. Si Donato rin umano ang tumutulong kay Rabusa sa pagko-convert ng pondo ng militar upang magamit sa personal na pangangailangan ng mga opisyal ng AFP.
Inamin din ni Rabusa na bukod kay Donato, binigyan din niya ng isang Honda Civic si Lt. Col. Antonio Lim na naging deputy budget officer din kapalit ni Donato.
Si Rabusa ang itinuturing na “whistle blower” sa korupsiyon sa militar at nagbunyag rin ng mga “pabaon” at “pasalubong” na tinatanggap ng mga nagiging chief of staff ng AFP.
- Latest
- Trending