MANILA, Philippines - Nasaktan ang Philippine National Police (PNP) matapos ibunton ng Hong Kong jury ang sisi sa gobyerno at sa mga awtoridad nito sa pagkamatay ng 8 nilang mamamayan sa Manila hostage crisis noong Agosto 23, 2010 na ikinamatay rin ng hostage taker na si dating Sr. Insp. Rolando Mendoza.
Inamin ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., na nagkaroon lamang ang Special Weapons and Tactics (SWAT) team at ang mga negosyador ng pagkukulang pero hindi totoong walang kakayahan ang PNP sa naturang hostage crisis.
Base sa ipinalabas na resulta ng Hong Kong jury nitong Miyerkules ng hapon, ang kawalan ng kakayahan ng gobyerno ni PNoy at kapalpakan ng mga awtoridad sa Pilipinas sa paghawak sa hostage crisis ang sanhi ng pagkamatay ng 8 HK nationals.
Binanggit din ang pagkakaaresto sa kapatid ng hostage-taker at ang mabagal na rescue operation ang naging sanhi ng pagwawala at pagpatay ni Mendoza sa mga bihag.
Dapat pinagbigyan muna umano ng mga negosyador at ng mismong gobyerno ang demand ni Mendoza na makabalik sa serbisyo para iligtas muna ang mga hostages at saka na gumawa ng kaukulang hakbang para ito parusahan.
Ayon naman kay Cruz, nakapokus lamang ang imbestigasyon ng HK sa mga testimonya ng kanilang mga kababayan at hindi nabigyan ng pagkakataon na madinig ang panig o ang mga testimonya ng mga testigo mula sa Pilipinas.
Sa kabila nito, tiniyak naman ng China na hindi ito makakaapekto sa relasyon ng dalawang bansa.