Ligot inaresto, kalaboso na sa Senado
MANILA, Philippines - Inaresto na kagabi ng Office of the Sergeant- at-Arms ng Senado si dating military comptroller Jacinto Ligot matapos itong i-contempt ng Blue Ribbon Committe kahapon.
Eksaktong alas-8 kagabi ay dumating sa Senado sa Pasay City ang arresting team na pinamumunuan ni Sergeant-At-Arms Jose Balajadia kasama si Ligot.
Unang napaulat na hindi naaresto ng team ni Balajadia si Ligot kaya nagulat ang media na nag-aabang sa Senado ng dumating sina Balajadia kasama si Ligot.
Nilinaw ni Balajadia na noong dumating ang team sa bahay ni Ligot sa Taguig ay nagulat ito ng makita ang maraming miyembro ng media kaya nagpasabi siya sa arresting team na huwag na lamang umanong ipakita sa media ang pag-aresto sa kaniya.
Sinabi pa ni Balajadia na hindi na mahalaga kung papaano naaresto si Ligot, ang mahalaga aniya ay nadala na ito sa Senado.
Ipinalabas kahapon ang warrant of arrest laban kay Ligot matapos katigan ng siyam na miyembro ng Blue Ribbon ang contempt order na isinulong ni Senator Teofisto Guingona, chairman ng komite.
Bagaman at kasamang na-contempt ang asawa ng dating heneral na si Erlinda Ligot, pansamantalang sinuspinde ang pagpapa-aresto dito dahil sa “humanitarian reason”.
Sinabi ni Guingona na hindi nila palalayain si Ligot hangga’t hindi nito sinasagot ang lahat ng mga tanong ng senador at patuloy na gagamitin ang “right against self incrimination” tungkol sa nabunyag na korupsiyon sa militar at sa nabisto nilang kayamanan.
Isinulong ni Guingona na i-contempt na ang mag-asawa matapos mapatunayan ni Senate doctor Mariano Blancha na normal naman ang kalagayan ng mga ito at walang sapat na dahilan upang hindi makadalo sa hearing kahapon ng Senado.
Nainis na ang ilang senador matapos idahilan ng mag-asawang Ligot sa kanilang liham na may sakit sila kaya hindi nakadalo sa pagdinig.
Kaya ipinadala ni Senate President Juan Ponce Enrile ang doctor ng Senado sa bahay ng mga Ligot upang masiguradong hindi ng mga ito niloloko ang Senado.
“During our examination, all our findings are normal including her blood pressure that was 120 over 80. She could have attended the hearing,” pahayag ni Dr. Blanca.
Nadiskubre din sa ginawa nitong examination na walang trangkaso o flu si Gen. Ligot.
- Latest
- Trending