MANILA, Philippines - Susubukan muli ni Vice President Jejomar Binay na umapela sa Chinese government upang huwag matuloy ang takdang pagbitay sa tatlong Pinoy sa Miyerkules, Marso 30.
Ayon kay Binay, hangga’t hindi naisasagawa ang eksekusyon ay gagawin niya ang lahat upang masagip sina Ramon Credo, Sally Villanueva at Elizabeth Batain.
Ang apela ni Binay ay maaaring idaan niya sa isang liham o kaya ay tutulak muli patungong China upang makipag-usap sa mga Chinese officials.
Una rito ay sinabi ni Pangulong Aquino na wala nang ipapadalang emisaryo sa China para idulog muli ang apela sa nakatakdang pagbitay sa 3 Pinoy.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, hindi na ipapadala ng Pangulo si Binay at ang alam nila ay magpapadala lang ito ng “bargain letter” sa China na ang nilalaman ay hindi nila batid.
Sinabi rin ni Lacierda na lahat ng assistance ay ibibigay ng gobyerno sa pamilya ng tatlong Pinoy upang makausap nila ang kanilang kaanak sa huling pagkakataon bago ang execution ng mga ito.
Samantala, sinabi naman ni Chinese Ambassador Liu Jianchao, hinihingi nila ang pang-unawa ng bawat Filipino sa naging hatol ng kanilang korte sa 3 Pinoy dahil sa paglabag ng mga ito sa kanilang batas.
Sina Credo at Villanueva ay nakatakdang bitayin sa Marso 30 sa Xiamen habang si Batain naman ay bibitayin sa Shenzhen sa naturan ding araw.