MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng Food and Drugs Authority (FDA) na ligtas pa ang mga produkto na inangkat buhat sa Japan matapos ang lindol sa naturang bansa nitong Marso 11.
Sinabi ni Dr. Suzette Lazo, director ng FDA, na walang dapat ipag-alala ang publiko sa binibili nilang produkto buhat sa Japan makaraan ang ginawa nilang pagsusuri sa radioactivity level kung saan lumabas na negatibo sa radioactivity.
Ito’y dahil ang mga produktong sinuri ay dumating sa bansa bago pa tumama ang kalamidad sa Japan.
Kabilang sa mga produktong sinuri ang mga tsokolate, noodles, tsaa, gatas, bigas at mga pampalasa makaraang makadiskubre ang World Health Organization (WHO) ng kontaminasyon sa gatas at gulay buhat sa Fukushima kung saan nakabase ang sumabog na mga nuclear reactor.
Ipagpapatuloy naman ng FDA at PNRI ang pagsusuri sa mga produkto na naangkat sa Japan makaraan ang Marso 11 o pagkatapos ng lindol at tsunami upang maprotektahan ang kalusugan ng mga Filipino. (Danilo Garcia/Doris Franche)