MANILA, Philippines - Matapos magpatupad ang UniOil ng prepaid sa gasoline ay ang pamunuan naman ng Manila Electric Company (Meralco) ang nakatakdang magpatupad ng prepaid sa kuryente.
Ayon kay Roland Arrogante, director for sales ng Meralco, sa darating na buwan ng Hunyo ay posibleng mapasimulan na nila ang pagpapatupad ng e-load system para sa kuryente sa kanilang mga costumer na gustong sumubok nito.
Ayon kay Arrogante, ang P100 halaga ng ipapa-load sa kuryente ay maaaring magamit sa bahay ng dalawa hanggang tatlong araw o higit pa kumporme sa gagawin pagtitipid ng bumili nito.
Isang espesyal na kuntador din ang ikakabit sa bahay para makita kung magkano na ang nakonsumong load sa kuryente at kung konti na lamang ang load nito ay may makikita umanong iilaw sa kuntador na indikasyon na kailagan ng mag-load ng panibago.
Sa pamamagitan ng prepaid sa kuryente ay maiiwasan na ang pagnanakaw pagtikular ang mga mahilig mag-jumper.
Ani Arrogante, ang makabagong sistemang ito sa pagbabayad ng kuryente ay ginagamit na umano sa ilang bansa sa Europe at South Africa.
Aprubado na rin umano ito ng Energy Regulatory Commission (ERC) at mga electric cooperative kaya puwede ng pasimulan sa buong bansa sa Hunyo.
Ilang Meralco costumer naman ang nagpahayag na ng intensiyon na bibili at tatangkilikin ang prepaid sa kuryente kapag naipatupad na ito, lalo pa’t kung malaki ang matitipid nila dito.