MANILA, Philippines - Mas dapat na mabahala ang publiko sa mga patay na ilog kaysa sa banta ng radiation na galing sa Japan.
Ito ang binigyang diin ni Dr Suzette Lazo, director ng Food and Drugs Administration (FDA) matapos magpatawag ng pagpupupulong sa Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) compound kasama ang may tatlumpung importer sa bansa.
Ayon kay Lazo, masyadong mataas ang lead content ng mga patay na ilog na tiyak na makakaapekto sa kalusugan ng tao kumpara sa mga kumakalat na maling balita na maaring kontaminado ng radiation ang mga produktong pagkain galing Japan.
Para mabura aniya ang pangamba ng taumbayan, muling magsasagawa ng random sampling ang FDA at PNRI sa mga susunod na araw sa mga produktong dairy, soya, gatas, noodles na galing ng Japan.
Samantala, sinabi naman ni Luis Lim, head quality assurance team ng isang Japanese Seasoning Company na tuloy pa rin ang kanilang importasyon mula sa Japan dahil hindi naman sila nababahala sa pag-angkat sa mga produktong galing sa naturang bansa lalupa’t wala pa namang napapatunayang napektuhan ang mga produktong Japan ng pagsabog sa nuclear reactor sa Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant doon.