MANILA, Philippines - Inaprubahan na kagabi ng Senado ang gagamiting impeachment rules sa trial ni Ombudsman Merceditas Gutierrez kung saan hindi isinama ang panukala ni Senator Miriam Defensor-Santiago na “gag rule” o pagbabawal sa pagte-text, internet chatting at anumang uri ng komunikasyon sa mga senator-judge kaugnay sa kaso ni Ombudsman Merceditas Gutierrez.
Pero nilinaw agad ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III, nagprisinta ng Senate Resolution 432 sa plenaryo kung saan nakapaloob ang Impeachmet Rules, na hindi maaaring magbigay ng opinyon ang mga senador sa merito ng kaso habang dinidinig ito.
Sa sandaling maging impeachment court na ang Senado, magkakaroon ito kapangyarihan na ipag-utos ang pagdalo ng mga testigo sa trial at siguraduhin na magiging maayos ang hearing.
Bukas ang impeachment trial sa media pero hindi maaring ma-interview ang sinumang senator-judge habang nagsasagawa ng pagdinig. Maaari lamang magsawa ng interview bago at pagkatapos ng trial.
Maari ring i-contempt at parusahan ng Presiding Officer ang mga hindi susunod sa panuntunang ipapalabas ng impeachment court na ipatutupad naman ng Sergeant-at-Arms ng Senado.
Nag-adjourned kagabi ang Senado at muling magbubukas sa Mayo 9.
Nilinaw naman ni Senator Joker Arroyo na hindi kailangang humarap sa hearing si Gutierrez at maaring ipadala na lamang nito ang kaniyang mga abogado.