MANILA, Philippines - Pupuwersahin nang ilikas ang may 2,500 Pinoy medical workers na nananatiling nasa mga ospital sa Libya matapos tumindi ang ikatlong araw ng airstrikes ng US-UK led coalition forces na sumira na sa dalawang naval base at mga radar installations ni Libyan President Moammar Gadhafi.
Wasak at nagtamo ng malaking pinsala ang Busseta Naval base, may 10 kilometro ang layo sa Tripoli habang sunud-sunod na pinaulanan din ng missiles ng US Operation Odyssey Dawn ang 2 air base na malapit sa Benghazi.
Nasapul at napasabog din ang radar installations ng Libya na isa sa mga target ng airstrikes ng coalition forces.
Kinumpirma naman kahapon ni Foreign Affairs Usec Rafael Seguis na 23 Pinoy evacuees na lumikas sa Tripoli ang nakarating sa nasabing border matapos magdeklara ang DFA ng “mandatory” o forced evacuation.